-- Advertisements --

Tuluyan nang sumuko sa panggugulo ang mga taga-suporta ng Iranian-backed Iraqi paralimitary groups matapos nilang sumugod sa embahada ng Estados Unidos sa Baghdad.

Ito’y matapos magpadala ng Amerika ng dagdag tropa militar sa bansa upang tumulong na kontrolin ang kaguluhan na nagaganap dito.

Pinaulanan ng mga ito ang gusali ng bato dahil sa galit na kanilang nararamdaman matapos ang ginawang airstrike ng US laban sa Tehran-backed Kataib Hezbollah group kung saan 25 katao ang nasawi.

Bandang tanghali na nang sundin ng mga raliyista ang inilabas na utos ng Popular Mobilization Forces (PMF) umbrella group dahil dininig na umano nila ang mensahe na nais iparating ng mga demonstrador.

Ang naturang kilos-protesta ay simbolo umano ng panibagong kaguluhan sa pagitan ng Washignton at Tehran.

Una nang nagbanta si US President Donald Trump na handa umano silang sumugod laban sa Iran ngunit bigla itong kumambyo na hindi raw niya nanaisin na humantong ito sa giyera.