-- Advertisements --
Mahaharap sa kaukulang kaso at posibleng matanggalan ng karapatang makagamit ng bangka ang mga gagamit ng fishing vessel, para maghatid ng mga byahero sa iba’t-ibang lugar sa ating bansa.
Ito ang babala ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesman Commodore Armand Balilo, kasunod ng ulat na may ilang sumasakay sa bangkang pangisda para lamang makaiwas sa quarantine restrictions.
Sinabi ni Balilo sa panayam ng Bombo Radyo na seryosong usapin ito kaya hindi nila palulusutin.
Giit ng opisyal, dapat maagapan ang paglusot ng ilang lumalabag sa quarantine restrictions, para maiwasan ang panibagong paglobo ng COVID cases.
Kaugnay nito, nag-deploy ng dagdag na bilang ng tauhan ang PCG para matiyak na mapapairal ang angkop na paghihigpit.










