CAGAYAN DE ORO CITY – Pinapasagot mismo ni Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda Jr ang kanyang ilang pulis na bahagi ng Incident Command System ng Misamis Occidental Provincial Government na puwersahang nagpaalis kay suspended Bonifacion Mayor Samson Dumanjog.
Ito ay matapos binalewala sagutin ni Bonifacio Police Station commander Police Maj. Ritchel Sumagang at maging ng kanyang deputy commander na si Police Capt. Mark Bienes ang mga tawag ni Acorda upang alamin ang kaguluhan habang ipinapatupad ng forced pullout kay Dumanjog sa akusasyon na usurpation of authority.
Nabulgar ito nang humarap sa patuloy na senate committee on public order and dangerous drugs ni Senator Ronald ‘Bato’ de la Rosa ang isang Atty.
Jean Gallego na tinawagan si Acorda para sa nasabing usapin.
Paliwanag naman ni Sumagang at maging ni Misamis Occidental Provincial Police Office Director Col. Marlom Quimno na mahirap sila makasagot sa kanilang cellphones dahil kinompiska ito ng ICS para hindi sisingaw ang impormasyon ukol sa operasyon.
Subalit pagpupuna ni De la Rosa na huwag nang mangbola sina Quimno dahil alam nito kung nag-imbento o nagsasabi sila ng katotohanan sa expose ni Gallego.
Pinuna rin ng senador si Acorda kung bakit nakayanan palagpasin ang kabulastugan na ginawa ng kanyang ilang pulis dahil lang sa politika sa lugar.
Sagot naman ng heneral na pinaimbestahan na nito sa Camp Crame ang ginawa ng kanyang ilang mga pulis sa probinsya.
Napukaw ang atensyon ng senado dahil inaakusa ni Dumanjog na hindi makatao at nagmalabis ang mga tauhan ng provincial government ni Misamis Occidental Gov. Henry Oaminal na nasa likod pagpa-suspende sa kanya gamit ang Sangguniang Panlalawigan.
Magugunitang tatlong suspension orders ang ipinataw ng provincial government kay Dumanjog at asawa nito na kanyang bise-alkalde subalit dalawa sa mga ito ay pinigilan ni President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.