Sinimulan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagsasagawa ng mga training programs na may kaugnayan sa information and communications technology sa mga tauhan nito sa layuning mapabuti ang operational at investigative capabilities ng police organization sa gitna ng tumataas na kaso ng krimen sa cyberspace.
Sinabi ni Police Maj. Gen. Valeriano De Leon, director ng Directorate for Information and Communication Technology Management (DICTM), na nagbukas na sila ng bagong klase upang mabuo ang kadalubhasaan sa pinakamaraming tauhan ng PNP, na ngayon ay itinutulak ng PNP chief Gen. Rodolfo Azurin.
Ang mga estratehiyang ito ay magbibigay sa Philippine National Police (PNP- ng kaalaman at pag-unawa sa mga patakaran ng Information and Communication Technology, sistema ng pagpaplano at pagsasama-sama ng data, at pananaliksik sa interoperability, standardisasyon ng Information and Communication Technology, pagkuha, paggamit, at pagpapaunlad ng mga sistema ng impormasyon, mga network, mga mapagkukunan ng teknolohiyang elektroniko at komunikasyon, at ang pagpapanatili ng lahat ng mga asset ng Information and Communication Technology.
Ipinaliwanag ni De Leon na sa mabilis na pag-unlad ng Information and Communication Technology sa kasalukuyan, kailangan ng PNP na makahabol upang matiyak na ang PNP ay nangunguna man lang ng isang hakbang sa mga kriminal na elemento, partikular ang mga gumagamit ng World Wide Web bilang kanilang palaruan.
Ang PNP ay isa sa mga law enforcement agencies na naatasang magpatupad ng mga batas sa cyberspace.
Matagal na ring itinulak ng organisasyon ng pulisya ang paperless communication, mabilis at madaling pagbabahagi at pagkuha ng data para sa operasyon at imbestigasyon.