-- Advertisements --

Nakatakdang tukuyin ng Department of Health (DOH) ang mga pampublikong paaralan kung saan maglalagay ng vaccination sites sa layong mapataas pa ang antas ng pagbabakuna kontra COVID-19 at mas maging accessible sa mga bata at kabataan na hindi pa nakumpleto ang primary series vaccine o wala pang booster shots.

Ayon kay DOH-OIC Maria Rosario Vergeire, tatalakayin nila ito kasama ang mga opsiyal ng LGUs para sa pagbalangkas ng stratehiya sa planong school-based vaccination bilang paghahanda sa pagpapatuloy ng in-person classes sa August 22.

Ito aniya ang tanging hiling ni VP at Education Secretary Sara Duterte sa idinaos na Cabinet meeting upang hindi maantala ang pagpapatuloy ng in-person classes sa mga paaralan ngayong buwan.

Sinabi din ni Vergeire na makikipag-ugnayan sila sa DepEd para sa pagbalangkas naman ng screening protocols para sa ligtas na pagbabalik ng mga bata sa mga paaralan gayon na din sa mga guro at non-teaching personnel.

Liban pa sa istriktong pagpapatupad ng minimum public health standards, itatalaga ang mga safety officers sa bawat eskwelahan dahil ang health screening ang pinakamahalaga para matiyak ang kaligtasan ng bawat mag-aaral at mga guro.

Ito ay isinasapinal na rin kaagapay ang DepEd.