Pinaalalahanan ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO) ang mga nasa entertainment industry na kailangan ng mga ito na kumuha ng Certificate to Transport sa Commission on Elections (COMELEC) Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC).
Ito ay sa oras na kailangan nilang magdala at gumamit ng mga pekeng baril o mga props na baril.
Batay sa pinakahuling advisory na inilabas ni PNP Firearms and Explosives Office Acting Chief Police Brig. General Roger Quesada, sasaklawin nito ang mga air-soft, airgun, at iba pang mga replika ng baril na ginagamit na props sa theatrical play, sa ilalim ng ibinapatupad na election gun ban.
Ayon sa naturang police unit, kung kakailanganing gumamit ng mga props na baril, mas maigi na ring ipaalam ito sa naturang opisina upang maiwasan ang pagkakagamit ng mga laruang baril sa anumang mga hindi kanais-nais na aktibidad.
Maliban sa pagkumpuska sa mga naturang baril, maaari ring sampahan ang mag mahuhulihan nito, ng kaukulang kaso.