-- Advertisements --

Naniniwala si dating National Task Force (NTF) against COVID-19 special adviser Dr. Anthony “Tony” Leachon na dapat ding talakayin ng mga kandidato sa pagkapangulo kung ano ang kanilang plano sa exit plan ng bansa mula sa krisis sa pandemya.

Ang panawagan ni Leachon sa mga presidentiables ay ganon din naman sa gobyerno na bumuo na ng pandemic exit plan lalo na at patuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Pero nagbabala ang tinaguriang health reform advocate na kailangan ang puspusan at maraming testing, gayundin ang mas malawak na vaccination programs.

Kasabay nito, umapela rin si Dr. Leachon sa national government na pangunahan nito na maiwasan ang “campaign period surges” o maging super spreader events upang maiwasan na bumalik ang bansa sa maraming mga COVID-19 cases.

Samantala una nang nanawagan ang naturang health expert na dapat pag-aralang mabuti ang pag-review kaugnay sa transition ng Metro Manila mula sa Alert Level 2 status patungong Alert Level 1.

Dapat aniyang antayin muna ang March 1, 2022, at obserbahan kung tataas muli ang mga hawaan ng virus.

Kung maalala sa Pebrero 15 na magtatapos ang Metro Manila sa Alert Level 2 depende na rin kung iaanunsiyo ang panibagong alert levels sa darating na Lunes.