-- Advertisements --

Ibinahagi ni Naufar K. Ganih, isa sa mga Filipino sa Iran, na nagsi-alis na sila mula sa Tehran matapos ang sunod-sunod na airstrike ng Israel mula pa noong nakaraang linggo.

Ayon kay Ganih sa panayam ng Bombo Radyo, noong umpisa ay kinagigiliwan pa nilang pagmasdan ang mala-fireworks display na mga rockets, ngunit kalaunan ay hindi na rin nila napigilang mabahala dahil sa pagdami ng mga pampasabog.

Nakakapagtala na rin aniya ng mga nasasawi mula sa hanay ng militar sa Iran at mga nasisirang pasilidad.

Sa umpisa ay balak lang nilang bumisita sa mga kaanak sa Northern Iran, ngunit sa ngayon ay mas gusto na muna nilang manatili doon dahil sa lumalalang digmaan.

Inamin naman ni Ganih sa Bombo Radyo na libo pa rin ang bilang ng mga Pinoy sa Iran, ngunit minimal lamang ito kung ikukumpara sa bilang ng mga Pinoy sa Israel.

Karamihan sa mga kababayan nating naroroon sa Tehran ay mga babaeng professionals na nakapangasawa ng Iranian at doon na namumuhay ng matagal.