VIGAN CITY – Kaba at takot umano ang namamayani ngayon sa mga Pilipino na nasa Amerika dahil ilan sa mga kamag-anak nila ay nasa Iraq bilang kasapi ng US military.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International Correspondent Rufino “Pinoy” Gonzales, sinabi nito na natatakot umano ang ilang mga Pilipino sa Amerika sa kaligtasan ng mga anak na sundalo na nasa Iraq dahil sa pag-atake ng Iran sa military base ng US sa nasabing bansa.
Ito ay bagama’t ipinagpapasalamat nila na walang napabalitang nasugatan o namatay sa nasabing pag-atake.
Napilitan umanong pumasok sa US military ang ilan sa mga anak ng mga Pinoy sa Amerika upang makapag-aral at hindi umano nila inaasahan na maisasabak sa giyera ang mga ito.
Samantala, idinagdag ni Gonzales na sa ngayon ay bagama’t takot ay nananatiling kalmado ang mga Pilipino sa Amerika dahil sa tensyon sa pagitan nito at ng Iran.