Nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga papaalis na mga Pinoy papunta sa ibayong dagat sa kauna-unahang pagkakataon kasama ang kanilang fiancées, spouses o family members na foreign nationals na kumuha muna ng certificate mula sa Commission on Filipinos Overseas (CFOs) bago umalis.
Sa isang statement, mahigpit ang bilin ni Immigration Commissioner Jaime Morente sa mga airlines na siguruhing nakasunod muna sa requirement ang mga Filipinos na mag-emigrate abroad.
Sinabi ni Morente na hindi na raw ito bagong alituntunin pero kailangan pa rin nilang paalalahanan ang mga papaalis na mga Pinoy.
Kasunod na rin ito ng mga polisiya ng mga ahensiyan ng gobyerno na kailangang sumailalim at dumalo sa Guidance at Counseling Program ang mga Pinoy mula sa CFO.
Ipinaliwanag ni Morente na ang CFO certificates at stickers ay magsisilbing pruweba na sila ay dumalo ng guidance and counseling sessions na pinangunahan ng CFO bilang mandato na rin ng batas sa bansa.
Nilinaw naman ng BI chief na ang certificate ay requirement para sa mga maninirahan sa ibayong dagat sa unang pagkakataon maging amg mga bibiyahe abroad para makipagkita at magpakasal sa foreign partner.