-- Advertisements --

Mga pinay OFW, kakatawan sa Pilipinas para sa larong cricket na gaganapin sa Dubai

ILOILO CITY – Kakatawan sa Pilipinas ang dalawang Ilongga overseas Filipino worker para sa larong cricket sa Fairbreak International 2022 sa Dubai sa Mayo 10-15.

Ang cricket ay waring isang tahimik, mabagal na laro, parang ‘baseball kung saan ito ay may dalawang magkalabang koponan at binubuo ng 11 players, at isang reserba na tinatawag na ika-12 tao.

Sa ekslusibong panayam ng Bombon Radyo Iloilo kay Christine Joy Lovino, myembro ng Subcont Cricket Club (SCC) Divas, sinabi nito na hindi lamang libangan ang cricket para sa kanilang mga miyembro dahil pamilya na ang turingan nila sa isa’t isa at kahit na nga sa araw lamang sila ng Linggo nagkikita-kita para makapaglaro, sinisigurado nilang sulit ang bawat oras sa kanilang bonding na may kasamang training.

Mahalaga rin sa kanila na nakapagbibigay sila ng karangalan para sa Pilipinas hindi lamang bilang mga tinaguriang bagong bayani bilang mga OFW kundi, sa larangan din ng sports na cricket.

Anya, napakalaking tulong ng paglalaro niya ng cricket kasama ang iba pang kababayang Pinay para makayanan niyang pagsabayin ang mga tungkulin niya sa trabaho at bilang isa sa top players ng SCC Divas.