MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na sakop ng ipapatupad na travel ban ang mga Pilipinong uuwi ng Pilipinas galing India.
“Napagdesisyunan that even our fellow Filipinos hindi muna papapasukin (ng Pilipinas) for this temporary period na 14-araw,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Simula April 29 hanggang May 14 ipapatupad ang travel ban sa India. Kasunod ito ng lumalalang sitwasyon ng naturang bansa dahil sa COVID-19.
Inaagapan din ng pamahalaan na makapasok sa Pilipinas ang B.1.617 (Indian variant) na sinasabing “double mutant.”
“This is just so we can be able to ensure na ma-guard natin yung borders natin.”
Batay sa anunsyo ng Malacanang nitong Lunes, hind muna papasukin ng Pilipinas ang lahat ng biyaherong galing ng India, pati na ang mga travel history sa naturang bansa.
Ang mga pasahero namang nasa biyahe na at inaasahang dadating ng bansa bago mag-April 29 ay papapasukin, kaakibat ang striktong testing at quarantine protocol.
“The Department of Transportation should ensure that airlines are directed not to allow the boarding of passengers entering the country pursuant to travel restrictions imposed by the Office of the President and IATF resolutions except if they are part of the repatriation efforts of the national government,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.
Batay sa datos ng Philippine Embassy sa New Delhi, tinatayang higit 1,200 OFWs ang nagta-trabaho ngayon sa India.
Ilang bansa na rin ang nagpatupad ng travel ban sa India tulad ng Amerika, Hong Kong, Pakistan, New Zealand at United Kingdom.
Aabot na sa 17-million ang kaso ng COVID-19 sa India, at halos 200,000 na ang namatay sa kanila dahil sa pandemic na sakit.