LEGAZPI CITY – Umabot na sa mahigit 200 pasahero ang naantala ang biyahe sa ilang pantalan sa Albay at Catanduanes bunsod ng Bagyong Ramon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Coast Guard District (CGD) Bicol information officer LTJG Excelsior Abenoja, sinabi nitong hindi na pinayagang bumiyahe ang nasa 223 stranded passengers mula sa Tabaco Port sa Albay patungong San Andres at Virac Port sa Catanduanes at vice versa.
Maliban pa rito, itinigil rin ang biyahe ng 57 rolling cargoes at sampung barko sa naturang mga lugar.
Maging ang maliliit na sasakyang-pandagat ay minabuting iahon na muna sa dagat sa banta ng pagkasira dahil sa malalaking alon.
Tiniyak naman ni Abenoja ang pakikipag-ugnayan sa Malasakit desks sa mga pantalan at nakakasakop na lokal na pamahalaan upang mapaabutan ng tulong ang mga apektado.
Kahapon pa nakataas ang gale warning sa may silangang bahagi ng karagatan sa Bicol kaya’t mahigpit ang abiso ni Abenoja na huwag nang pilitin na maglayag para na rin sa kaligtasan ng mga ito.