Nagsumite na ng kanilang mga pananaw at komento ang daan-daang pamilya ng mga biktima ng war on drugs ng nagdaang administrasyon sa nagpapatuloy na appeals proceedings sa International Criminal Court (ICC).
Isinumite ng ICC registrar sa Appeals Chamber ang limang representations na natanggap mula sa mga biktima ng umano’y krimen na subject sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Sa tatlong pahinang registry submission na may petsang Mayo 22, sinai ng ICC Registry Division of judicial services director Marc Dubuisson na na-assess ang mga submission.
Naglalaman aniya ang mga isinumiteng dokumento ng mga pananaw at concerns sa ngalan ng 350 biktimang indibidwal at 165 na mga pamilya.
Ang mga dokumento ay classified bilang “confidential ex parte” na available lamang para sa Registry dahil naglalaman ang mga ito ng mga confidential na impormasyon na maaaring humantong sa pagkakabulgar ng pagkakakilanlan ng mga biktima.
Magugunita na umaapela ang Pilipinas sa ICC Appeals Chamber na baliktadin ang desisyon ng Pre-trial Chamber I noong Enero 26 kung saan pinayagan ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa crimes against humanity may kaugnayan sa madugong kampanya kontra iligal na droga ng Duterte administration.
Noong Marso ng kasalukuyang taon, pinayagan din ng ICC Appeals Chamber ang mga drug war victims na magpahayag ng kanilang pananaw at komento sa apelang inihain ng gobyerno ng Pilipinas.
PInahintulutan din ang Office of Public Counsel for Victims na magsumite ng kanilang written observations sa appeal brief ng Pilipinas.