
Nasa 95 porsyento ng kumpleto ang mga paghahanda isang linggo bago ang nalalapit na ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ayon kay House Secretary General Reginald Velasco.
Inaantay na lamang aniya ang pinal na listahan ng mga panauhin mula sa Office of the President, Senado at iba pang mga organisasyon na inaasahang matanggap nitong araw ng Lunes.
Plantsado na rin ang lahat ng physical arrangements gayundin pagdating sa seguridad na ipapairal sa Batasang Pambansa complex kung saan gaganapin ang taunang SONA ng Pangulo.
Inaasahan aniya na magiging kasado na lahat sa araw ng Biyernes dahil magsasagawa pa ng rehearsal
Hindi naman dadalo si PBBM sa rehearsal dahil ang pokus nito ay sa technical side.
Wala pa sa ngayon aniyang petsa para sa rehearsal subalit kinumpirma ni Velasco na magpapatupad na ng lockdown sa Batasang pambansa complex simula sa araw ng Huwebes.
Ibig sabihin, hindi na papayagan pa na makapasok sa loob ng Batasang Pambansa complex ang mga indibidwal na walang kinalaman sa paghahanda sa SONA.
Kaugnay naman sa mga imbitasyon sa mga dadalo, nasa 90 percent sa invited guests ang nagpahayag na dadalo sa Sona kabilang ang ilang dati at kasalukuyang opisyal na sina Vice President Sara Duterte, dating President Joseph Estrada, at dating President Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Velasco pinili ni Arroyo na miyembro din ngayon ng 19th Congress na umupo kasama ang dating mga opisyal ng gobyerno.
Kinumpirma din ni Velasco na base sa impormasyon ng Office of the President (OP) at Presidential Communications Office (PCO), ang Radio Television Malacañang na ang in–charge sa pag-direk sa ikalawang SONA ng Pangulo.
Subalit inisyal na inanunsiyo din ni Velasco na si Presidential Adviser for Creative Communications Paul Soriano ang siyang magdidirek muli sa SONA ni PBBM.










