-- Advertisements --

Target umano ng Philippine Red Cross na gawing operational simula sa susunod na linggo ang lahat ng mga eskwelahan na ginawang coronavirus disease (COVID-19) isolation centers.

Sinabi ni PRC Chairman at Chief Executive Officer Sen. Richard Gordon na sa pamamagitan ng tulong ng kanilang mga partners ay inaasahan na ilan sa mga paaral sa Metro Manila ay magiging operation na bago matapos ang kasalukuyang buwan.

Ito raw ay para maiwasan na makahawa pa ng iba ang mga asymptomatic patients.

Kailangan daw munang siguraduhin ng Red Cross ang sanitation ng mga paaralan para na rin sa mga pasyente.

Sa ngayon ay ginagamit ng Red Cross ang mga hindi nagagamit na classrooms sa Ateneo De Manila University (AdMU), University of the Philippines (UP)-Diliman, De La Salle-College of St. Benilde (DLS-CSB), at Adamson University (AdU) para magsilbing temporary isolation facilities.

Nagpasalamat naman si Gordon sa mga presidente ng higher education institutions (HEIs) dahil sa pagboluntaryo at pag-alok sa kanilang mga pasilidad na gamiting COVID-19 isolation sites.

Ang virtual turnover ay dinaluhan nina Ateneo President Fr. Bobby Yap, UP President Danilo Concepcion, President of De La Salle Philippines Br. Armin Luistro, De La Salle College of Saint Benilde Br. Edmundo Fernandez, and Adamson University President Fr. Marcelo Manimtim.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang mga presidente ng HEIs sa humanitarian initiative ng senador at Red Cross.