Aminado ang Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na malaki ang mga pagsubok na kakaharapin ng mga ito sa pagsasagawa ng retrieval operations sa mga bangkay ng dalawang Pilipinong tripulante na nasawi sa pinakahuling pag-atake ng Houthi rebel sa isang barko sa Gulf of Aden.
Ito ang inihayag ng dalawang ahensya kasunod ng iniulat ni DMW-OIC Hans Leo Cacdac na hanggang sa ngayon ay nananatili pa rin sa inatakeng barko ang mga labi ng dalawang nasawing biktima.
Ayon kay DFA Usec. Eduardo de Vega, sa ngayon ay hindi pa nila alam kung ano ang pinal na plano para marekober ang mga bangkay ng mga ito kasabay ng paglilinaw na ito ay responsibilidad dapat ng manning agency ng mga tripulante.
Gayunpaman ay tiniyak niya na patuloy na magpapaabot ng tulong ang pamahalaan para sa retrieval operations dito.
Sa ngayon ay naipaalam na rin aniya ng DFA at DMW sa mga pamilya ng dalawang nasabing biktima ang kasalukuyang sitwasyon.
Matatandaan na una nang inihayag ni DMW OIC Hans Leo Cacdac na anumang oras o araw mula ngayon ay inaasahan na magkakaroon na ng salvaging operations sa inatakeng barko para hanapin ang mga labi ng dalawan.
Habang ang sampung Pinoy seafarers naman na nakaligtas at 3 sugatan ay posible na ring makabalik muli dito sa Pilipinas sa lalong madaling panahon. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)