-- Advertisements --

Umaasa si House Committee on Health chairman Dr. Angelina Helen Tan na luluwag kahit papaano ang mga ospital sa Metro Manila kapag matuloy na ang pagpapatayo ng Southern Luzon Multi-Specialty Medical Center sa Tayabas, Quezon.

Ito ay matapos na aprubhan na rin ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang counterpart measure ng House Bill No. 7952 para sa pagtatayo ng ospital na magsisilbing kauna-unahang pagamutan para sa iba’t-ibang uri ng sakit sa Timog Katagalugan.

Inaasahan na ang Southern Luzon MSMC ay isa sa magiging apex hospital o end-referral hospital sa lugar, pamamahalaan sa ilalim ng Department of Health.

Iginiit ni Tan na maraming mahihirap na may sakit ang makikinabang sa pagtatayo ng Southern Luzon MSMC.

Bukod sa lalawigan ng Batangas, Cavite, Laguna, Marinduque, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Palawan, Quezon, Rizal, Romblon at Aurora kasama ang 1st class highly urbanized na Lungsod ng Lucena, makikinabang din sa nasabing panukala ang mga pasyente sa Bicol at maging ang Metro Manila.