Binigyang diin ng Department of Health (DOH) na responsibilidad ng bawat ospital sa bansa na tugunan ang pangangailangang medikal ng publiko, lalo na sa panahon ngayon ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ng DOH matapos igiit ng ilang private hospitals na hindi pa rin nila kayang sundin ang bagong guidelines ng ahensya para sa alokasyon ng kama sa COVID-19 cases.
“Sa panahon ng pandemya, responsibilidad ng lahat ng institusyon na magbigay ng serbisyo sa mga mamamayang Pilipino,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Bukod sa kulang na mga pasilidad, problema rin daw talaga ng mga ospital ang kulang na health care staff.
Ilan sa mga nagpahayag ng kanilang apela ang Philippine General Hospital, National Kidney Transplant Insitute at mga miyembro ng Private Hospitals Association.
Sa ngayon may 5,484 health care workers na raw na na-hire sa ilalim ng Health Human Resource program ng DOH.
Lagpas kalahati na ito sa kabuuang 8,694 na mga aprubadong slot para sa health care staff ng 309 health facilities.
Nitong Miyerkules nang ilunsad ng DOH ang One Hospital Command strategy na layuning palakasin ang referral system sa pagitan ng private, public hospitals at temporary treatment ang monitoring facilities.
Sa ilalim din nito, bibigyan ng insentibo ang private hospitals na susunod guideline na paglalaan ng inisyal na 20-percent ng kanilang pasilidad sa COVID-19 patients.
“Ang (One Hospital Command) center ay magiging responsibilidad para sa health facility coordination and referral sa public and private hospitals.”
“Dahil may coordination sila para sa medical transport, pick-up para sa health system capacity, data analytics at risk communications. At masisigurong may sapat na critical care services sa ospital.”