-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na magpapatayo ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Bangkok, Thailand upang matugunan ang mga hinaing ng mga manggagawang Pinoy sa nasabing bansa.

Pangunahing idinulog ng mga OFWs kay Pangulong Marcos ang diskriminasyon sa kanilang mga Pinoy na manggagawa kumpara sa mga Thai workers.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Ariel Viloria na pangunahing idinulog ng mga OFWs kay Pangulong Marcos ang diskriminasyon sa kanilang mga Pinoy na manggagawa at ang mga benepisyo.

Sinabi niya na hindi pare-parehas ang natatanggap na sahod ng mga OFWs.

Ang solusyon aniyang ipinangako ng pangulo ay ang pagtatayo ng POLO sa Bangkok na mag-aasikaso sa mga hinaing ng mga OFWs sa kanilang trabaho, sahod, security at sa kanilang kalusugan.

Mahirap aniya dahil walang health care ang mga OFWs sa Thailand at malaki ang kanilang binabayaran sa pagamutan.

Nais naman nilang magkaroon ng one stop shop sa pag-apply ng trabaho sa Thailand.

Nakakaranas din sila ng diskriminasyon dahil mas ginugusto ng pamahalaan ng Thailand ang ibang lahi na magtrabaho sa kanilang bansa.

Samantala, inihayag naman ni Bombo International News Correspondent Antonio Bautista Jr. na ikinatuwa ng mga OFWs ang pagkakaroon ng POLO sa Bangkok maliban sa kasalukuyang embahada ng Pilipinas.

Mahalaga aniya ang pagkakaroon ng POLO sa naturang bansa dahil malaki ang maitutulong nito kapag may mga suliraning kinakaharap ang mga OFWs.

Tulad na lamang noong kasagsagan ng pandemya na maraming OFWs sa Thailand ang nawalan ng trabaho at karamihan sa kanila ay hindi nabigyan ng tulong at hindi nakatanggap ng tamang benepisyo.

Malaking bagay para sa kanila ang pagtungo ng pangulo sa Thailand dahil naiparating ng mga OFWs ang kanilang suliranin.

Halos isang libong OFWs naman ang nakipagkita kay Pangulong Marcos sa Bangkok, Thailand.