Masayang ibinalita ng Department of Foreign Affairs na pumalo na ng 61% ang bilang ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na gumaling mula sa coronavirus disease.
Ito ay katumbas ng 11,142 indibidwal na naka-recover na mula sa nakamamatay na virus.
Sa latest bulletin ng ahensya, mayroong 5,884 active cases ng COVID-19 sa mga OFWs at umakyat naman ng 1,115 ang total death toll.
Simula Abril 11 hanggang 17 ay nakapagtala ang DFA ng 1,059 na bagong kaso ng coronavirus at 47 naman ang namatay.
“Compared to last week’s percentages, the total number of Covid-19 fatalities and under treatment saw a slight decrease to 6.15 percent and 32.43 percent, respectively. Meanwhile, those who recovered increased to 61.42 percent,” saad ng DFA sa isang pahayag.
Naitala rin nito ang pinakamataas na bilang ng impeksyon noong Abril 13 na umabot ng 889 dahil sa pagtaas ng mga kumpirmadong kaso sa Middle East. Hindi naman dinetalye ng ahensya ang iba pang mga bansa na may mataas na kaso ng coronavirus sa mga OFWs.
Ang bilang naman ng mga active cases ngayong linggo sa bawat rehiyon ay naitala sa Middle East o Africa regions na may 3, 828, sinundan ito ng Asia-Pacific region (1,058) at Americas (87).
Habang ang recoveries naman sa Middle East o Africa regions ay umabot ng 8, 863, sinundan ito ng Asia-Pacific region (2, 385) at Americas (603).