CAUAYAN CITY – Tumutulong na ang ilang mga overseas Filipino workers (OFW) sa kanilang mga kapwa OFW na nasasawi sa COVID-19 sa Malaysia upang maiuwi sa Pilipinas ang kanilang mga abo.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Ernalyn Moral Bueno, isang OFW sa Malaysia na kamakailan lamang ay lima sa mga kakilala niyang Pinoy sa naturang bansa ang pumanaw dahil sa COVID-19 bukod pa sa mga nauna nang namatay.

Nagtutulungan naman ang ilang Pilipino doon para maiproseso ang kanilang mga abo at maiuwi sa Pilipinas.

Pinapayuhan naman ng embahada ng Pilipinas ang lahat ng mga OFWs doon na magpabakuna kung saan sa ngayon ay nasa kalahati na ang nabakunahan.

Gayunman may mga mga pumanaw dahil hindi kinaya ng kanilang katawan ang bakuna.

Ayon pa kay Gng. Bueno, dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Malaysia ay may mga Pinoy na ang humihingi ng tulong matapos na mawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng kanilang pinagtatrabahuan.