CAGAYAN DE ORO CITY – Nakasagupa ng militar ang humigit kumulang 30 kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Cogon Cogon, Barangay Manalog, Malaybalay City, Bukidnon.

Umabot sa 30 minuto ang naging palitan putok ng mga rebelde at tropa ng gobyerno.

Sinabi ni 8th Infantry Battalion commanding officer LTC. Ronald Illana na ang mga NPA na kanilang naka-engkuwentro ay siyang responsable pag-ambush at ikinasawi ni PO3 Jerry Tropel ng Malaybalay City PNP noong Pebrero 27 sa kasalukuyang taon.

Naniniwala si Illana na may mga sugatan sa panig ng mga rebelde dahil may mga dugo na nakita sa pinangyarihan ng engkwentro.

Narekober sa area ang dalawang backpacks, dalawang handheld radio, detonating cord, 200 pirasong bala ng AK47, medical paraphernalia at mga submersibong dukomento ng mga rebelde.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang manhunt operation ng militar laban sa makakaliwang grupo.