Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na wala nang magiging sagabal ngayon sa paghuli sa mga matataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), partikular ang mga consultants nito na may standing warrant of arrest.

Ito’y matapos tuluyan nang tuldukan ni Pang.Rodrigo Duterte ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at komunistang grupo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson S/Supt. Bernard Banac, kaniyang sinabi na walang magbabago sa mandato ng PNP, bagkus mapalalakas pa ang pagpapatupad nila sa batas lalo na ang mga indibiduwal na wanted sa batas.

Aminado si Banac na noong may peace talks pa, hindi nila basta-basta masampahan ng kaso ang mga NDF consultants dahil sa binigyan ang mga ito ng safe conduct pass.

Nasa 21 mga NDF consultants ang nabigyan ng safe conduct pass kabilang ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, Adelberto Silva, Alfredo Mapano, Tirso Alcantara, Pedro Codaste, Porferio Tuna, Concha Araneta Bocala, Ernesto Lorenza, Eduardo Ganelsa, Ariel Arbitrario, Runel Saluta, Jaime Solidad, Keneddy Bangibang at Alan Jazmines.

Ilan sa mga ito ay naaresto na ng mga otoridad.

Siniguro naman ng PNP na naka-alerto ang kanilang pwersa para maiwasan ang anumang pag-atake ng komunistang grupo.