Matapos ang dalawang linggong wildfire na tumama sa Lahaina, Maui, wala pa ring opisyal na bilang ang Philippine Consulate General sa Honolulu kung ilang Filipino at Filipino American ang nawawala.
Sinabi ni Consul General Emil Fernandez na posibleng mayroong humigit-kumulang 100 Filipino at Filipino-American na indibidwal sa mahigit 850 katao na patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.
Kasalukuyan aniya silang nasa proseso ng pagbe-verify ng mga pangalang Filipino sa hindi opisyal na listahan na ginawa ng komunidad ng Maui para sa mga naiulat na nawawala.
Ayon kay Fernandez, sa bahagi ng Konsulado ng Pilipinas, inihahambing niya ang mga pangalang Filipino-sounding na lumalabas sa Maui Community-organized Maui Fires People Locator, na mayroong 724 entries .
Aniya, nakikipag-ugnayan na ang kanilang tanggapan sa mga contact sa Filipino community sa Maui tungkol sa mga nawawalang Filipino upang makabuo ng mas mahusay na pagtatantya.
Nakipagpulong si Fernandez sa Opisina ng Foreign Mission ng US Department of State upang humingi ng tulong sa pagkuha ng impormasyon tungkol sa mga nawawalang indibidwal.
Sa kabilang banda, nakumpleto ng search and recovery team ang isang 100% na paghahanap ng mga single-story residential property at lilipat na ang mga awtodidad sa paghahanap ng mga multi-story residential at commercial properties sa Hawaii.