-- Advertisements --

Umaapela ang informal waste sector (IWS) sa Metro Manila na maging sila ay mabigyan din ng ayuda mula sa national government sa kasagsagan ng dalawang linggo na enhanced community quarantine simula Agosto 6 hanggang 20.

Ayon kay Ronaldo Sarmiento, ng Samahan ng mga Mangangalakal ng Scrap sa Capulong (SMNC) na nakabase sa Tondo, Manila, ang hiling lamang nila sa pamahalaan ay mabigyan sila ng makakain sa araw-araw.

Mwawalan kasi sila ng mapagkukuhanan ng pambili ng pangkain kung hindi rin naman sila papayagan na makalabas para makapamili ng kalakal at makapagbaklas.

Ayaw naman aniya nilang may magpumilit mula sa kanilang hanay para lamang makalabas at makahanap ng mapagkukuhanan ng pera para makabili ng pagkain.

Para maiwasan ito sa gitna ng rin ng peligro ng Delta coronavirus variant, hiling ni Sarmiento na matulungan sila sa kanilang pangaraw-araw na pangangailangan hanggang sa dumating ang panahon na payagan ulit silang makalabas para makapangalakal.

Kung maari, umaasa rin sila na huwag na rin muna ituyloy ng mga electricity at water providers ang kanilang service disconnection dahil sa hindi nababayarang bills sa kasagsagan ng ECQ.