-- Advertisements --

Muling iginiit ni Department of Agriculture Sec. William Dar na hindi nito pinapaboran ang pag-import ng mga agricultural products imbes na suportahan ang mga local producers sa kabila ng napakataas na presyo ng karne ng baboy.

Inakusahan kasi ang kalihim ng ilang grupo ng mga pork producers na mas gusto raw nito ang imports at smuggled na karne baboy na naging dahilan kung bakit bigo raw ang ahensya na kontrolin ang African Swine Fever (ASF).

Paliwanag ni Dar, binabalanse nila ang kapakanan ng mga suppliers, producers, nagbebenta at gayundin ang mga consumers. Unang prayoridad umano nila na tulungan ang mga locak hog producers.

Ipinagmalaki rin nito ang mga programa ng DA para sa mga hog raisers sa bansa.

Ayon pa sa kalihim, patuloy niyang gagawin ang kaniyang tungkulin para kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Kung maaalala, nanawagan sa Presidente si Nicanor Briones, vice president for Luzon ng Pork Producers Federation of the Philippines, para talakayin ang pagtaas ng presyo ng karne ng baboy.

Dapat aniya ay magpatawag ng “summit” ang Pangulo para sa mga hog raisers, traders, retailers, supermarkets, DA at Department of Trade and Industry (DTI) dahil wala raw tamang desisyon na ginawa si Sec. Dar.

Bwelta pa ni Briones, mas makabubuti kung ilipat na lang sa ibang ahensya si Dar o di kaya ay gumawa na lamang daw ng Deparment of Importation dahil doon daw nababagay ang opisyal.

“Puro pabor sa importers at smugglers yang ginagawa niya ngayon,” saad nito.

Noong nakaraang linggo ay iniutos ni Pangulong Duterte ang pgoaoatupad ng price cap sa lahat ng pork at chicken products sa Metro Manila kasunod nang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Subalit kahapon ay nagsagawa ng “pork holiday” o hindi pagbebenta ng karne ng baboy ang ilang tindero/tindera sa mga ilang palengke sa Kalakhang Maynila. Ito raw ay bilang protesta sa kanilang lugi dahil sa ipinatupad na price ceiling. Nanakot pa ang ibang retailers na pansamantala nilang ititigil ang pagbebenta sa karne ng baboy dahil sa umiiral na price cap.