-- Advertisements --
image 286

Hinimok ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros ang pamahalaan na iturn-over sa gobyerno ang nakumpiskang smuggled na asukal sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ipamahagi sa mahihirap nang libre.

Ginawa ng Senadora ang pahayag ilang araw matapos amyendahan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang panuntunan nito para payagan ang donasyon ng nakumpiskang pinuslit na mga asukal sa kadiwa stores at payagang ibenta ito sa publiko.

Ayon kay SRA Board Member Pablo Azcona, handa ng ipamahagi ang kabuuang 4,000 metrikong tonelada na smuggled refined sugar sa kadiwa stores kung saan ibebenta ito sa presyong P70 kada kilo.

Subalit kinuwestyon ito ni Sen. Hontiveros kung saan pagkakakitaan pa aniya ang galing sa iligal.

Batay rin aniya sa komputasyon ng opisina ng Sendora, dapat nasa P65 kada kilo lamang ang presyo ng imported na asukal mula sa Thailand subalit mas mataas pa rin taliwas sa layuning maging abot-kamay ito para sa lahat ng mga Pilipino.

Sinabi din ng mambabatas na dapat hindi limitado ang importasyon sa tatlong suppliers lamang na tinawag ng Senadora na pinapaburang mga importers.

Matatandaan na noong Marso, isiniwalat ng Senadora na maaaring magkamal ng bilyun-bilyon ang tatlong traders mula sa sugar importation na nagbunsod sa Senadora na tawagin ito na state-sponsored formation ng cartel.