-- Advertisements --

Naniniwala ang isang Senador na muling ibinenta sa mas murang halaga ang mga nasabat na smuggled fuel ng Bureau of Customs (BOC).

Sa pagdinig ng Senate committee on energy kasama ang concerned agencies, iniulat ni BOC special agent Anthony Escandor na nasa kabuuang 2.1 million litro ng fuel ang kanilang nakumpiska.

Kinuwestyon naman ni Senator Raffy Tulfo, ang panel chairperson kung ano ang ginawa ng ahensiya sa mga nasabat na fuel.

Tugon ni Escandor na mayroon ng 36,750 litro ng diesel ang binigay na donasyon sa Philippine Coast Guard (PCG) at may 10,669 litro ng diesel ang para sa official use.

Hindi naman masagot ng diretso ng opisyal saan napunta ang nalalabing nakumpiskang fuel at inihayag na magbibigay ito ng update sa Senador dahil wala pa itong hawak na impormasyon kaugnay sa naturang usapin.

Una rito, lumagda ang gobyerno ng Pilipinas ng isang kontrata sa SGS Philippine Inc. at sa Switzerland-based na SICPA SA para sa pagrolyo ng fuel marking program na layong mapigilan ang oil smuggling sa bansa.