CAUAYAN CITY – Sinira ng Police Regional Office 2 (PRO) 2 ang mahigit apatnapu’t anim na libong piso na halaga ng mga nakumpiskang iligal na paputok sa Camp Marcelo Adduru, Tuguegarao City.
Ang pagsira sa mga nakumpiskang paputok ay bahagi ng “Ligtas Paskuhan 2022’’ ng PRO2 at BFP Region 2.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Saturnino Soriano, tagapagsalita ng PRO2, sinabi niya na sa kabuuan ay nakakumpiska ang PRO2 ng 2,286 na piraso ng mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics na may kabuuang halaga na P46,314 noong nakaraang pagsalubong sa bagong taon.
Kabilang sa mga sinira ay Watusi, Picolo, Poppop, Five Star, Pla Pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb o Super Lolo, Atomic Triangle o Goodbye bading, Large size Judas Belt o Goodbye Philippines, Goodbye De Lima o Bin Laden, Hello Columbia o mother rockets, Goodbye Napoles o Coke in Can, Super Yolanda o Pillbox, Mother Rockets o Boga, at Kwitis o Kabasi.
Maliban sa mga paputok ay nakapagtala rin ang PRO2 ng isang kaso ng indiscriminate firing sa Cauayan City na agad namang nahuli ng isang nakabakasyong kasapi ng Special aCTION fORCE (SAF) habang walang anumang insidente o biktima ng stray bullet o ligaw na bala noong nakaraang pagsalubong sa bagong taon.
Matatandaang una nang sinira ng PNP at BFP ang nasa P59,715 na halaga ng iligal na paputok na nakumpiska sa iba’t ibang operasyon ng PNP units sa ilalim ng PRO2 noong December 30, 2022.
Una na ring inihayag ni PBGen. Percival Antolin Rumbaoa na ang operasyon ng PNP ay alinsunod sa mas pinaigting na kampanya kontra iligal na paputok sa ilalim ng Republic Act 7183.