-- Advertisements --
sim card

Todo pa rin ang paghimok ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa publiko na iparehistro na ang kanilang SIM cards habang papalapit na ang pagtatapos ng registration sa buwan ng Abril.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology Spokesperson Anna May Lamentillo, sa ngayon kasi ay nasa 15 percent pa lamang ng mga SIM card users sa buong Pilipinas ang naparehistro ng kanilang SIM cards sa kanilang mga respective public telecommunication entities (PTEs).

Sa data ng telecommunications firms, sinabi ng Department of Information and Communications Technology na mayroon nang kabuuang 26,637,515 SIM cards ang nairehistro.

Katumbas ito ng 15.76 percent ng 168.977 million SIM card users nationwide.

Ang Smart Communications Inc. pa rin ang nakapagtala ng pinakamaraming nagrehistro na nasa 13.632 million o 20.05 percent ng kanilang 67.995 million subscribers.

Habang ang Globe Telecom Inc. ay mayroon nang 10.883 million o 12.39 percent ng kanilang 87.873 million subscribers habang ang DITO Telecommunity Corp. ay mayroong 2.121 million o 16.19 percent ng kanilang 13.108 million subscribers.

Kung maalala, ang implementing rules and regulations (IRR) ng SIM Card Registration Act ay naging epektibo noong December 27 matapos pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang measure noong buwan ng Oktubre noong nakaraang taon.

Sa pamamagitan ng naturang batas ay minamandato nito ang lahat ng public telecommunications entities (PTEs) na mag-establish ng kanilang registration platforms para sa naturang registration.

Mabibigyan naman ng pagkakataon ang mga users na irehistro ang kanilang SIM cards sa loob ng 180 days.

Sakaling bigong magparehistro ang mga users sa loob ng 180 na araw ay otomatikong made-deactivate ang kanilang mga SIM cards.

Una nang sinabi ng mga public telecommunications entities na nakahanda naman ang mga ito para sa registration process pero nagkaroon ng problema sa mga unang araw ng registration.

Dahil dito, inatasan na noon ng National Telecommunications Commission (NTC) ang mga telecommunication companies na iulat sa kanila ang problema na kanilang mararanasan sa kasagsagan ng registration.

Nakikipag-ugnayan na rin daw ang DICT sa mga public telecommunication entities para matugunan ang feedback at mapaganda ang SIM Registration experience para sa lahat.

Kasabay nito, muli namang pinaalalahanan ng DICT ang lahat ng mga subscribers na ang kanilang mga personal information ay nananatiling ligtas sa ilalim ng Data Privacy Act.

Sa ilalim ng naturang batas, ang mga public telecommunation entities ay dapat na i-secure ang subscribers’ data sa pamamagitan ng mandatory encryption ng mga data.

Nitong buwan lamang nang ilunsad din ng NTC ang registration ng SIM card sa mga malalayong lugar sa bansa para umalalay sa pagpapatupad ng SIM Card Registration Act.