-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nagsagawa ng operasyon ang Bantay Karne Task Force Legazpi laban sa mga nagbebenta ng mga hot meat kasabay rin ng pagbabantay sa pagkalat ng African Swine Fever (ASF).

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bong Samar, namumuno sa Bantay Karne Legazpi, may mga nadiskubre na mga meat vendors sa public market ng Legazpi na mula sa bayan ng Daraga ang ipinagbibili na mga karne kung saan may dating kaso ng ASF.

Paliwanag ni Samar, para sa kaalaman ng lahat ang mga kinakatay na baboy na mula sa Locally Registered Meat Establishments ay hindi pwedeng ipagbili sa labas ng nasasakupang bayan.

Maliban na lamang kung ang slaughterhouse ng isang lugar ay certified bilang Double A kung saan pwedeng magbenta ng mga produktong karne saan mang bahagi ng bansa.

Kalimitan kasi sa mga dahilan ng mga nahuhuling nagbebenta ng hot meat hindi umano alam ang naturang polisiya.

Posibleng revocation of license ang kakaharaping padusa ng mga meat vendors na paulit-ulit ang dahilan tuwing nadadakip.

Samantala, sa lalawigan ng Albay tanging ang slaughterhouse lang ng lungsod ng Legazpi at Ligao ang certified bilang Double A sa pagbebenta ng mga karneng baboy sa labas ng nasasakupang bayan.