-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakatakdang mag-ambag- ambag ng pera ang mga opisyal at miyembro ng konsulada ng Pilipinas sa Shanghai, China para sa mga Pilipinong nasa Wuhan City at Hubei province na hindi makalabas dahil sa novel coronavirus outbreak.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Wilfredo Cuyugan, Philippine Consulate General sa Shanghai, China, sinabi nito na bagama’t mahigpit ang lockdown na ipinapatupad sa mga nasabing lugar dahil sa nasabing virus, kalmado naman umano ang lahat kaya’t walang dapat na ipag-alala.

Sa kabila nito, mahigpit pa rin ang kanilang monitoring sa kalagayan ng mga Pilipino sa Wuhan City at Hubei province sa pamamagitan ng lider ng Filipino community sa mga nasabing lugar.

Ipinaliwanag ni Cuyugan na bagama’t wala pang ban sa pagpasok ng mga turista sa China, mahigpit namang ipinapayo ng mga opisyal sa nasabing bansa na huwag na muna sanang magtungo sa kanilang bansa ang mga turista upang maiwasang kumalat ang nasabing virus.