Pinadalhan ng Department of Justice (DoJ) prosecutors ng subpoena ang ilang mga militanteng mambabatas kaugnay ng reklamong inihain ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Lucena kaugnay ng pagkawala ng mga menor de edad na aktibista sa Southern Luzon.

Partikular na pinasisipot sa DoJ sa August 27, September 10 at 24 dakong alas-2:00 ng hapon sina Neri Colmenares, Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago at mga opisyal nito, gayundin ang mga miyembro ng Kabataan at Anakbayan Partylist.

Kaugnay ito ng mga reklamong trafficking of persons at child abuse na inihain ng PNP-CIDG.

Inatasan din ng DoJ panel of prosecutors ang respondents na magsumite ng kanilang kontra-salaysay.

Una rito, dumulog sa Senado ang mga magulang ng mga nawawalang estudyante ng Far Eastern University (FEU), Polytechnic University of the Philippines at University of the East (UE).