-- Advertisements --

ILOILO CITY- Ligtas na nakarating sa Islamabad, Pakistan ang mahigit 30 Pilipino na lumikas mula sa Kabul, Afghanistan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lorena Aurelio, empleyado ng isang logistics company sa Kabul, sinabi nito na kakaiba ang kanilang karanasan dahil mga high-ranking officials mismo ng Taliban sakay ng armored car ang nag-convoy at naghatid sa kanila mula sa embahada papunta sa airport.

Ayon kay Aurelio, isang eroplano rin ang inilaan ng Philippine Embassy sa Pakistan sa pakikipag-ugnayan ng Pakistan Embassy sa Kabul upang sumundo sa mga Pinoy na nag-evacuate.

Sa ngayon, pansamantalang nananatili ang 30 Pilipino sa hotel sa Islamabad para sa kanilang quarantine bilang bahagi ng COVID-19 protocol habang hinihintay ang kanilang flight pauwi sa Pilipinas.

Nagpasalamat naman si Aurelio sa tulong ng Philippine Embassy sa Pakistan sa pamumuno ni Ambassador Daniel Espiritu at Vice Consul Dan Bagapuro kung kaya’t nakarating sila sa Pakistan at ligtas na makakauwi sa kanilang pamilya sa Pilipinas.