-- Advertisements --

Nabiyayaan ng regalo kahit nasa gitna ng dagat ang ilang mangingisda na pumalaot nitong besperas at mismong araw ng Pasko.

Kasabay kasi ng pagpapatrolya, namahagi ang mga Philippine Coast Guard (PCG) personnel ng tig-li-limang kilong bigas sa mga mangingisda sa katubigang sakop ng Placer, Surigao del Norte.

Bahagi ng naturang inisiyatibo ang Barangay Sani-sani, Barangay Lakandula at Barangay Amoslog.

Ayon sa Coast Guard Sub-Station Placer, layunin nitong iparamdam sa mga mangingisda ang simbolo ng kapaskuhan na nakasentro sa pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa.

Wala namang aberyang napaulat sa nasabing bahagi ng karagatan ang mga tauhan ng PCG.

Samantala, sa mga pantalan naman ay nananatili ang mahigpit na pagbabantay ng PCG upang maiwasan ang overloading at pagpupuslit ng mga ipinagbabawal na kontrabando sa mga bumabyaheng barko.