CAUAYAN CITY- Pinaalalahanan ng Santiago City Veterinary Office ang mga mamimili na maging mapanuri at wais sa pagbili ng karne sa paparating na holiday Season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Myra Grace Pascual, Veterinary Officer ng Santiago City, ibinahagi niya na sa mga nagdaang araw ay bumaba ang kinakatay na baboy sa slaughter house dahil sa African Swine Fever ( ASF) ngunit tumaas naman ang mga kinakatay na baka at kalabaw .
Ayon kay Dr. Pascual, patuloy ang paghihigpit ng tanggapan dahil sa mga natitira pang mga baboy na hindi pa naapektuhan ng naturang sakit ng baboy at nang mapanatili ang food security sa pamilihan.
Matagal na rin ang huling nakapagtala ang Santiago City ng namamatay na baboy na tanda na na-contain na ang ASF.
Dahil sa nalalapit na pagdiriwang ng pasko at bagong taon ay hinikayat ng City Veterinary Office ang mga mamimili na ugaliing bumili sa pamilihang lunsod upang matiyak na ligtas at dumaan sa pagsusuri ang mga bibilhing karne.
Mas naging mahigpit naman ang kanilang mga market inspector sa pag-iikot at pagsusuri sa mga posibleng ipinupuslit na karne sa merkado publiko.