-- Advertisements --
davao

DAVAO CITY – Muling nanumbalik ang sigla ng mga negosyo sa lungsod ng Davao matapos isinailalim na ito sa general community quarantine (GCQ) simula kaninang hating gabi.

Itoy matapos muling nagbukas ang iilang mga establisemento na nagsara ng halos dalawang buwan mula nang maganap ang outbreak ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Mula sa mga maliliit na mga tindahan ng surplus appliances, hanggang sa mga malalaking tindahan ng mga home appliances ay bukas na umpisa alas-8:00 kaninang umaga.

Maging ang mga mall goers ay parang excited na ring mamasyal matapos mapansin ang mahabang pila ng mga tao.

Napansin din ang walang humpay na pagbuhos ng mga tao sa mga palengke sa lungsod.

Una nang nagbabala si Mayor Sara Duterte-Carpio na kahit isinailalilm na sa GCQ ang lungsod, dapat pa ring iwasan ng mg tao ang pagpunta sa mga mall at palengke dahil isa ito sa pinanggagalingan ng virus.

Inamin din ng alkade na umaasa na siya na tataas ang kaso ng COVID-19 sa lungsod dahil sa pagbubukas ng maraming mga establisimento at paglabas ng maraming mga tao.

Ito umano ang dahilan kung kayat dinagdagan ng siyudad ang mga isolation facilities nito na ngayon ay umabot na ng 11 na mayroong 503 beds.

Nilinaw rin ni Mayor Sara na magpapatupad pa rin siya ng lockdown sa mga lugar na makapagtala ng maraming kaso ng COVID-19 sa panahon ng GCQ.