Maari nang gamitin ang mga bangkang ibinigay ng pamahalaan sa 22 crew members ng FB Gem-Ver 1, ang fishing boat na napaulat na binangga at hinayaang lumubog ng Chinese vessel sa Recto Bank kamakailan.
Paglilinaw ito ni Sgriculture Secretary Manny Piñol sa mga naunang reports na ang mga ibinigay nilang makina ay hindi akma sa mga ipinamahaging bangka.
Sinabi ng kalihim na minimal repair lamang ang kailangan sa pagkabit ng frame ng mga makina kaya hindi na kailangan pa itong palitan.
Sa isang hiwalay na Facebook post, sinabi ni Piñol na hindi nila pinalitan ang mga ipinamigay na makina.
Magugunita na bukod sa mga bangka, nakatanggap rin ang mga mangingisda ng kabuuang P45,000 bawat isa, gayundin ng bigas, scholarship sa kanilang mga anak at trabaho kasunod ng insidente sa Recto Bank.