-- Advertisements --

Napilitang ipamigay ng ilang magsasaka sa Benguet ang kanilang ani matapos mabigong maibenta ang mga ito dulot ng pagtaas ng presyo ng langis na kaugnay ng kaguluhan sa Middle East.

Maraming gulay ang dinala sa La Trinidad Vegetable Trading Post ngunit kakaunti lamang ang bumibili. Dahil dito, ang ilang magsasaka ay nagpasiyang ipamigay na lamang nang libre ang kanilang ani, kabilang ang Pechay Baguio. Anila, masakit man sa kalooban, wala naman daw silang magagawa.

Dagdag pasanin sa mga magsasaka ang mataas na presyo ng krudo na nagpapalaki sa gastos sa transportasyon, labor, at pagkain. Ayon sa isang trading association sa La Trinidad, bumagsak ang presyo ng gulay dahil sabay-sabay ang anihan ngunit nabawasan ang dami ng binibili ng mga trader. Mula sa dating 10 tonelada, limang tonelada na lamang daw ang kanilang kinukuha.

Kaugnay nito, nagsagawa ng pulong ang Department of Agriculture kasama ang mga stakeholder sa industriya ng gulay sa Benguet. Isa sa mga iminungkahing solusyon ay ang rehabilitasyon ng mga storage facility upang maimbak ang sobrang ani at maipamahagi ito nang paunti-unti sa Metro Manila.