Pinayuhan muna ng Department of Science and Technology ang mga local agricultural producers sa mga lugar na malapit sa Bulkang Taal na ipagpaliban muna ang pagtatanim.
Ito ay sa gitna ng patuloy na nararanasang volcanic smog na dulot ng sulfur dioxed na ibinubuga ng Bulkang Taal.
Ayon kay DOST Sec. Renato Solidum, posible kasing maging sanhi ng pagkasira ng mga halaman ang sulfuric acid droplets na dala ng nasabing volcanic smog.
Dahil dito ay mas makabubuti aniya na lagyan muna ng cover ang mga mature at may bunga na mga halaman para sa karagdagang proteksyon, at agad itong hugasan.
Bukod dito ay sinabi rin ng kalihim na maaari rin magtrigger ng acidic rain ang paghahalo ng tubig ulan at vog na posible ring makaapekto hindi lamang sa halaman kundi maging sa tao.
Samantala, kaugnay nito ay inabisuhan na rin ni Sec. Solidum ang mga residente sa mga apektadong lugar na asahan nang makakakita ng mga napinsalang halaman nang dahil sa vog.
Ngunit gayunpaman ay tiniyak naman ng opisyal na mamamahagi ng tulong ang pamahalaan para sa mga magsasakang maaapektuhan ang kabuhayan dahil dito.