-- Advertisements --

Nakahanda ang pamahalaan na magbigay ng credit at insurance assistance para sa mga magsasaka at mangingisdang apektado ng dry spell sa gitna ng El Niño phenomenon.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) spokesperson Arnel de Mesa, naglaan ang pamahalaan ng P500 million na credit assitance kung saan P25,000 ang matatanggap ng bawat apektadong magsasaka at mangingisda habang nasa P1.8 billion naman ang para sa insurance claims kung saan tig-P20,000 ang ipapamahagi.

Maliban pa dito, sinabi ng DA official na pinapaspasan na ng DA ang pamamahagi ng P5,000 na tulong pinansiyal para sa mga rice farmer at P3,000 na fuel subsidy para sa mga magsasaka at mangingisada sa ilalim ng pambansang pondo.

Batay sa pinakahuling datos mula sa DA, pumapalo na sa P357.4 million ang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Naitala ang mga nasirang sakahan sa Ilocos region, Mimaropa, Western Visayas at Zambongan Peninsula Regions.

Bunsod nito, apektado ang kabuhayan ng kabuuang 7,668 magsasaka dahil sa El Nino. Nasa mahigit 6,000 ektarya naman ng sakahan ang naapektuhan ng dry spell kung saan 11,480 MT sa palayan at 2,897 MT para sa maisan, 225MT para sa high value crops.