Sinamantala ng Provincial Government ng Batangas ang “mass gathering” sa mga evacuation center ng mga residente na apektado nang pag-alburuto ng Taal Volcano para sila ay makapagsagawa ng vaccination kontra COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Base sa kanilang latest data, nasa 40 evacuees mula sa bayan ng Agoncillo ang nabakunahan na ng first dose habang 100 evacuees mula sa bayan ng Laurel ang naturukan na rin ng COVID-19 vaccine.
Nauna nang sinabi ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na kailangan mabakunahan ang ilang libong residente na lumikas sa mga evacuation center sa bayan ng Laurel, Agoncillo, Balete, Nasugbu at Talisay, para na rin sa kaligtasan ng kanilang kalusugan.
Inaasahan na magpapatuloy pa ang paglilikas ng mga residente sa mga susunod na araw lalo pa ngayon at pinagbabawalan pa rin sila na umuwi sa kanilang bahay dahil sa posibleng pagputok ng Taal Volcano anumang oras.
Base pa sa kanilang latest data, nasa 4,000 evacuees ang kasalukuyang nananatili sa iba’t ibang evacuation centers sa limang bayan at karamihan ay mula sa Laurel.
Nagpadala na rin ng karagdagan pang mga pulis ang Batangas Police Provincial Office sa mga evacuation center para matiyak na ligtas ang mga evacuee at para na rin maiwasan ang posibleng hawaan o mas pagkalat ng COVID-19.
















