VIGAN CITY – Muli umanong inulit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga gobernador, municipal at city mayors, sa kanilang pulong kagabi kung ano ang ilan sa kaniyang mga tinalakay sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nito noong Lunes, July 22.
Sa mensaheng ipinadala ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing III sa Bombo Radyo Vigan, sinabi nito na tila naging isang dayalogo sa pagitan ni Pangulong Duterte at ng mga local chief executive sa bansa ang nangyari kagabi.
Aniya, ilan sa mga ibinilin ng pangulo sa mga nasabing opisyal ay ang hindi nila pagkakasangkot sa iligal na droga dahil kung mangyayari ito ay hindi siya magdadalawang isip na patayin kung sinuman ang mapatunayang sangkot sa transaksyon sa iligal na droga.
Inulit din daw ng pangulo ang kaniyang kagustuhan na mapuksa ang korupsyon na siyang dahilan kung bakit minsan ay naiisip nitong bumaba na lamang sa puwesto dahil sa labis na pagkadismaya sa talamak na sitwasyon sa bansa.
Isa pa sa mga nabanggit ni Digong sa harap ng mga local chief executive ay ang pagpapabilis ng mga ito sa proseso ng pagkuha ng publiko sa ilang permit o dokumentong kanilang kailangan.
Nais umano ng pangulo na sa loob ng nalalabing tatlong taon nito sa termino ay matapos niya ang kaniyang mga ipinangako kaya hinihiningi nito ang kooperasyon ng mga opisyal ng mga local government units.