Handa na ang mga local government units (LGUs) na maaapektuhan kung magiging mas aktibo ang Bulkang Taal at Kanlaon Volcano sakaling kailangang lumikas ang mga residente, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ipinaliwanag ni NDRRMC Deputy Spokesperson Diego Mariano, na tinitiyak lamang ng mga awtoridad na ang mga tao ay hindi makapasok sa mga permanent danger zone ng nasabing bulkan.
Kung matatandaan, dalawampu’t walong volcanic earthquakes, kabilang ang pitong volcanic tremors na tumagal ng dalawang minuto ang naitala sa Taal Volcano sa Batangas ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naglabas din ang Taal ng 5,024 tonelada ng sulfur dioxide at katamtamang 900 metrong taas na mga plumes.
Sa kabilang banda, nagkaroon naman ng tatlong volcanic quakes ang Kanlaon Volcano sa Negros Island at nagdulot ng katamtamang 200 metrong taas na plumes.
Kaugnay niyan, ang Bulkang Mayon naman sa Albay ay nagpapakita ng “intensified unrest” o magmatic unrest at ngayon ay nasa Alert Level 3 na.
Gayunpaman, binigyang diin ng PHIVOLCS na ang mga kamakailang aktibidad na naobserbahan sa Bulkang Mayon, Bulkang Taal, at Bulkang Kanlaon ay isolated at walang kinalaman sa isa’t isa.