
Naiuwi na sa Pilipinas ang labi ng overseas Filipino worker (OFW) na si Wilma Tezcan na nasawi sa lindol sa Turkey.
Pasado alas-7 ng gabi nitong Miyerkules ng mailabas sa cargo area sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang labi ni Wilma at dinala na sa kanilang tahanan sa Lucena para sa burial.
Ang naulilang anak na babae ni Wilma ang kasama sa flight pabalik ng Pilipinas habang ang asawa nitong Turkish national ay naiwan sa Turkey dahil nawala ang kaniyang pasaporte.
Nabatid na nang tumama ang malakas na lindol sa Turkey kasama ng nasawing OFW ang kaniyang employer sa province ng Hatay habang ang kaniya namang anak ay nasa Istanbul.
Ayon kay Nicole, anak ng nasawing OFW na malapit lang sa episentro ng lindol ang kinalalagyan ng kaniyang ina subalit nagawa pa umanong makausap ni Wilma ang kaniyang employer matapos ang lindol ngunit natigil anoya itong humingi ng tulong matapos ang malakas na aftershock.
Napag-alaman din na 11 taon na si Wilma na nagtratrabaho bilang OFW at breadwinner din ng kaniyang pamilya.
Nagpapasalamat naman ang ama ng yumaong OFW sa pamahalaan sa pagtulong na maiuwi ang labi ng kaniyang anak.










