-- Advertisements --

Kinontra ni Senate committee on economic affairs chairman Sen. Imee Marcos ang mga kritiko sa maayos pa ring relasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China, sa pagsasabing ang 2016 artbitral decision ang mismong nagpahina sa mga karapatan ng Pilipinas sa pinagtatalunang teritoryo.

Matatandaang idineklara sa 2016 arbitral decision na ang mga maritime features sa Spratlys ay pawang mga bato lamang at hindi isla, ayon na rin sa pakahulugan ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Ang mga teknikal na limitasyon sa arbitral ruling at ang mga pampolitikang relasyon sa iba’t-ibang bansa ang magpapahirap sa Pilipinas para makahingi ng ginhawa sa United Nations General Assembly (UNGA), ayon pa sa mambabatas.

Kung dinala ng Pilipinas ang isyu sa UNGA, sinabi ni Marcos na ibabase lang ng mga bansa ang kanilang boto sa kanilang mga interes, na karamihan ay nakakabit sa pamumuhunan ng China para sa Belt at Road Initiative nito, dagdag pa na permanenteng miyembro ng UN Security Council ang China, na may karapatang i-veto o baligtarin ang anumang parusa laban dito.

Sinabi naman ng iba pang mambabatas na lalong hindi mabibigyang prayoridad ang sigalot ng Pilipinas at China bunsod ng mga kasalukuyang kaganapan, tulad ng lumalalang giyera sa Israel at ang demokratikong pakikibaka laban sa diktadurang militar sa Myanmar.