Naglatag ng mga kondisyon ang Timor-Leste bago pinayagan ang deportasyon sa pinatalsik na mambabatas na si Arnie Teves Jr. ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago.
Kabilang dito ay ang certificate of handover na nagmamandato na dapat tratuhin nang makatao si Teves at huwag ikulong ng mahigit sa 40 taon.
Ipinaliwanag naman ng NBI chief na sa ilalim ng Article 70 ng Revised Penal Code, nililimitahan ng 3-fold rule ang kabuuang panahon na maaaring isilbi ng isang convict ang kaniyang sentensiya sa kulungan kahit pa sa mga patung-patong na kaso. Nasa 40 taon ang maximum na taong pagkakabilanggo ng isang convicted sa kabila pa ng dami o bigat ng hatol.
Ang karagdagan pang kondisyon ay hindi dapat maging subject ng torture si Teves at dapat na madetine sa detention facilities na tumatalima sa international standard.
Tinukoy din dito na hindi dapat masentensiyahan si Teves ng kamatayan at dapat na mabigyan ng patas at public trial salig sa batas ng Pilipinas.