-- Advertisements --

Itinakda na sa darating na September 18 ang pormal na pagdinig kaugnay sa pagkamatay ni Eduardo “Eddie” Garcia” sa gitna ng taping sa kinatatampukan nitong teleserye.

Ayon kay Sarah Mirasol, ang regional director ng Department of Labor and Employment (DOLE) National Capital Region, ito ay upang mabigyan ng due process ang GMA-7 matapos makitaan ng ilang paglabag at pagkukulang.

Kaugnay nito, ipina-summon na ang mga kinatawan ng GMA-7 para humarap sa pagdinig sa susunod na linggo.

“The hearing officer is a med-arbiter who will mediate, decide and draft his resolution on the case for my review, and imposition of possible sanctions if found liable,” ani Mirasol.

Una nang inatasan ng DOLE ang sangkot na TV network na magkomento sa kanilang naging findings, ngunit humingi raw ng palugit para makapagpaliwanag.

Sa nagpapatuloy na imbestigasyon, lumalabas na kabilang sa mga nilabag ng GMA-7 ay ang hindi pagsusumite ng report sa loob ng 24 hours nang mangyari ang taping accident, kakulangan ng safety officers at first-aiders on-site.

Maging sa findings ng Occupational Safety and Health Center na nanguna sa imbestigasyon, lumabas na kung mayroon lang sanang kahit isang safety officer ay marahil mabubuhay pa si Manoy.

Ang 90-year-old veteran actor ay mahigit dalawang linggong nag-agaw buhay sa ospital kasunod ng aksidente noong June 8, kung saan siya ay napatid sa cable wire at napuruhan ang kanyang cervical spine na nauwi sa pagka-comatosed.