Kapwa nagpahayag ng interes ang mga kinatawan ng United Arab Emirates at Oman para sa karagdagang manggagawang mga Pinoy na magtrabaho sa kani-kanilang mga bansa.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople, nangangailangan ang UAE ng mas maraming Filipino skilled healthcare workers gayundin sa pagkakaroon ng isang government-to-government agreement kung saan walang kailangang placement fee.
Nais din aniya ng nasabing bansa na magkaroon ng business-to-business track para sa mga Pilipino na nais na dalhin ang kanilang mga negosyo para makipag-partner sa mga kompaniya sa Dubai o saan man sa UAE.
Paliwanag ni Sec. Ople na ang mga employer ay mga Pinoy pa rin subalit bilang investors.
Maliban dito, nagpahayag din ng interes ang Oman sa pagkakaroon ng bilateral labor agreement sa Pilipinas kung saan nangangailangan din ito ng skilled Filipino workers sa construction at free zone industries .
Kaugnay nito, ayon kay Sec. Ople, nakatakdang magkaroon ng isang joint committee meeting sa Hulyo ng kasalukuyang taon para talakayin ang mga detalye pa ng posibleng labor agreement.